Muling nagsagawa ng lihim na pag-uusap ang Estados Unidos at ang pamahalaang suportado ng militar sa Myanmar sa isang pagpupulong sa Tokyo, Japan nitong nakaraang linggo.
Ayon sa ulat ng Reuters, ito na ang ikalawang pagpupulong ng dalawang panig sa loob lamang ng isang buwan kasunod ng pagbabago sa estratehiya ng Washington matapos ang kudeta sa Myanmar noong 2021.
Pinangunahan ni U.S. Assistant Secretary of State for Intelligence and Research Michael Vance ang delegasyon ng Estados Unidos na kinabibilangan ng mahigit isang dosenang opisyal.
Gayunman, hindi pa malinaw kung sino-sino ang kumatawan sa Myanmar at kung ano-ano ang eksaktong napag-usapan.
Kabilang sa mga pangunahing layunin ng Washington ang pagsugpo sa mga scam hub at panloloko na tuma-target sa mga Amerikano.
Tinalakay rin sa mga naunang pag-uusap ang posibleng pag-access ng Washington sa mahahalagang mineral ng Myanmar.
Samantala, nananatiling kontrobersiyal ang pakikipag-ugnayan dahil sa mga paratang nang paglabag sa karapatang pantao laban sa pamunuan ng militar.
Patuloy namang binabantayan ng international community ang sitwasyon at seguridad sa bansa.