Kumpiyansa ang ASEAN Business Advisory Council (ASEAN BAC) Philippines for Agriculture and Food Security na mas lalago pa ang investment interest ng mga kasaping bansa ng ASEAN at partner countries sa Pilipinas habang papalapit ang ASEAN Summit 2026.
Sa panayam ng programang Bangon, Bayang Mahal kay ASEAN BAC Philippines for Agriculture and Food Security Senior Adviser James Amparo, sinabi niyang malaki ang nakuhang investment interest ng bansa mula sa nagdaang ASEAN Food Security and Agribusiness Summit 2026.
Kasama rito ang nasa 30 country partnerships na nasiguro at ₱35 billion na investment.
Kakambal nito ang inaasahang 30,000 job opportunities sa bansa na karamihan ay nakasentro sa sektor ng agrikultura.
Layunin din ng mga nasabing hakbang na mas mailapit ang mga lokal at maliliit na magsasaka at MSMEs sa mga “Big Brothers” o malalaking kompanya at investment hubs sa bansa.
Kinumpirma rin ni Amparo ang pagtatayo ng Myanmar at Vietnam ng drying facility sa bansa sa 2027 na makatutulong nang malaki sa mga magsasaka.
Sa tulong nito, hindi na sila mahihirapang humanap ng buyer at mas mailalapit na sila sa regional market upang mas mapataas ang value ng kanilang mga produkto.