Kinumpirma ni San Juan City Police Station Chief of Police PCol Anthony Gantang na naaresto si Atty. Levi Baligod, ang abogado ng 14 na nagpakilalang bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na nagdala umano ng maleta-maleta ng pera kaugnay ng anomalya sa flood control projects.
Sa ambush interview sa San Juan City, sinabi ni Gantang na inaresto kaninang 9:30 AM si Baligod at 14 na iba pa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa Iba, Zambales noong September 23 dahil sa kasong unjust vexation.
Ayon kay Gantang, naaresto si Baligod at 14 na iba pa sa San Juan City Justice Hall habang dumadalo sa iba pang hearing.
Hindi naman makumpirma ni Gantang kung kabilang sa 14 na naaresto ang mga dating bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sinabi niya na bailable ang kaso at itinakda ang piyansa sa ₱10,000 bawat isa.
Sa ngayon, sinabi ni Gantang na nagpapatuloy ang proseso ng pagpiyansa ni Baligod at 14 na iba pa. Mananatili muna sila sa piitan habang wala pang release order.