Pinamamadali ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang konstruksyon ng San Agustin Bridge sa Arayat, Pampanga na halos siyam na taon nang nakatengga, upang magamit na ito ng mga motorista at komyuter bago mag-Pasko.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, makatutulong ang pagkumpleto ng tulay upang mapabilis ang biyahe ng mga motorista, lalo na ng mga uuwi sa kanilang mga probinsya ngayong holiday season.
Dahil sa matagal na pagkaantala ng proyekto, napipilitan ang mga biyahero na dumaan sa mga alternatibong ruta patungong Nueva Ecija at Tarlac.
Sa inspeksyon ng proyekto kasama sina Pampanga Vice Governor Delta Pineda at Arayat Mayor Jeffrey Luriz, sinabi ni Dizon na mahalaga ang mga sumbong ng publiko at mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga matagal nang problemang pang-imprastraktura.
Giit ng kalihim, patunay ang proyekto na kayang maresolba ang mga ganitong problema sa pamamagitan ng agarang aksyon.