Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na walang banta sa University of the Philippines (UP) Diliman sa Quezon City.
Ito ay matapos lumikas kahapon ang mga estudyante sa Palma Hall at Malcolm Hall dahil sa kumalat na mensahe sa social media na nagsasabing, “Maghahasik ng lagim sa buong Palma at Malcolm. Humanda kayong lahat.”
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol Allen Rae Co na na-misinterpret umano ang post ng isang estudyante dahil tungkol ito sa pabango.
Ibig sabihin daw nito, gagamit ang estudyante ng malakas na pabango pagpasok niya kaya “maghahasik ng lagim” sa dalawang gusali.
Gayunman, hindi inaalis ng PNP ang posibilidad na may pananagutan ang estudyante.
Ayon kay Co, miyembro ito ng LGBTQ community at may sariling pakahulugan umano ang grupo sa paggamit ng ilang salita.
Matatandaang agad na ininspeksiyon ng pulisya ang lugar kahapon, pero wala namang nakitang kahina-hinalang bagay.
