📸 NIA 7
Pinapa-upgrade ng National Irrigation Administration sa Central Visayas (NIA-7) ang kapasidad ng Malinao Irrigation System sa bayan ng Pilar sa lalawigan ng Bohol alinsunod sa direktiba ng Pangulo na tiyakin ang maaasahang patubig para sa mga magsasaka.
Aabot sa P1.8 bilyon ang inilaan na pondo ng NIA-7 para sa pagpapa-upgrade ng Malinao Irrigation System sa ilalim ng Malinao Dam Improvement Project.
Layunin nitong matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng irigasyon sa Bohol sa kabila ng inaasahang epekto ng very strong El Niño na mararanasan ng bansa.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, halos dodoble ang kapasidad ng pag-iimbak ng tubig ng dam mula limang milyong cubic meters ay magiging siyam na milyong cubic meters na.
Ayon kay Felix Guioguio, pinuno ng Malinao Irrigation System, limitado lamang ang storage capacity ng dam dahil medyo maliit ang reservoir nito at naging siltation sa loob ng ilang taon mula nang magsimula itong mag-operate noong 1996.
Sa pagpapalawak ng kapasidad nito, inaasahang mapapabuti ang serbisyo ng irigasyon sa 740 ektarya ng lupang sakahan kung saan halos 800 magsasaka ang makikinabang lalo na ang mga nasa dulo ng kanal.
Ayon sa NIA 7, hanggang September 30, ang Phase 1 ng proyekto ay nasa 30% nang kumpleto habang ang Phase 2 ay nasa 13% ang pagtatrabaho na mas maaga sa schedule.
Target ng ahensiya na matapos ang proyekto sa 2028 na magbibigay daan para sa mas maaasahang patubig at mas mahusay na proteksyon sa baha para sa mga komunidad ng pagsasaka sa Bohol.