📸 PGNO
Nakapagsagawa ng 38 cloud seeding sorties ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM), katuwang ang Philippine Air Force (PAF) at iba pang ahensya, sa Western Visayas at Negros Island Region (NIR).
Ito ang iniulat ng Negros Occidental Provincial Government kasunod ng isinagawang exit conference para sa cloud seeding operations.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, isinagawa ang operasyon mula Setyembre 7 hanggang Oktubre 14, na may kabuuang 28 operational days at 52 oras ng paglipad.
Umabot naman sa 11,400 kilo ng vacuum sodium chloride (NaCl) ang ginamit bilang materyales sa cloud seeding.
Layunin ng operasyon na mapataas ang posibilidad ng pag-ulan sa mga lugar na kulang ang suplay ng tubig, partikular sa mga palayan at iba pang komunidad na umaasa sa agrikultura.
Sa exit conference, sinuri ang mga hamong kinaharap sa operasyon at tinukoy ang mga rekomendasyon para sa mga susunod na cloud seeding activities at mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot.