Photo courtesy of PCG
Pinaigting ng Coast Guard District Palawan (CGDPAL) ang search and rescue operations para mahanap ang isang nawawalang mangingisda sa karagatan ng Narra, Palawan.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), natanggap ng Coast Guard Sub-Station Narra ang ulat tungkol sa nawawalang mangingisda noong October 10, 2026.
Bilang bahagi ng patuloy na paghahanap, nag-deploy ng High-Speed Response Boat o HSRB-052 upang palakasin ang operasyon.
Kabilang sa search and rescue team ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station Narra, crew ng HSRB-052, at kapatid ng nawawalang mangingisda.
Sistematikong sinuyod ng grupo ang mga itinakdang lugar sa karagatan at nakipag-ugnayan sa mga lokal na mangingisda at operator ng mga bangka upang makakuha ng impormasyon at posibleng pagkakita sa nawawalang indibidwal.
Pinaigting din ang pagpapakalat ng impormasyon upang hikayatin ang mga nasa karagatan na agad mag-ulat ng anumang makatutulong sa paghahanap.
Tiniyak ng CGDPAL na magpapatuloy ang operasyon at pakikipagtulungan sa mga lokal na komunidad.
Hinikayat naman ng PCG ang lahat ng marino at mangingisda na manatiling mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng Coast Guard ang anumang posibleng pagkakita o impormasyong makatutulong sa paghahanap.