Ipinaliwanag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert De Leon na nakabatay sa batas at itinakdang pormula ang pamamahagi ng National Tax Allotment o NTA sa mga lokal na pamahalaan, at hindi sa paboritismo o koneksiyong politikal.
Sa programang A.S.K. o Alamin Kay Sec. Kim, sinabi ng kalihim na nakasalalay sa tatlong pamantayan ang hatian ng pondo—populasyon, lawak ng lupain, at pantay na bahagi para sa mga LGU.
Nakatakdang umabot sa ₱1.320 trilyon ang panukalang NTA para sa 2027, mas mataas ng ₱129.3 bilyon kumpara sa ₱1.191 trilyon ngayong 2026.
Ayon kay De Leon, mahalaga ang pondong ito upang matustusan ng mga probinsiya, lungsod, munisipalidad at barangay ang mga serbisyong pangkalusugan, imprastraktura, pangongolekta ng basura, pangangalaga sa kapaligiran, at paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na hindi nangangahulugang mas mahusay ang serbisyo ng isang LGU dahil lamang mas malaki ang natatanggap nitong pondo. Nakasalalay pa rin ito sa maayos na pagpaplano, paggamit ng badyet, at pagpapatupad ng mga programa.
Hinikayat din niya ang publiko na gamitin ang DBM COMPASS upang malaman ang NTA allocation ng kani-kanilang probinsiya, lungsod o munisipalidad, at masubaybayan kung paano ginagamit ang pondo mula sa buwis ng mamamayan.
Binigyang-diin ni De Leon na ang tunay na sukatan ng badyet ay kung naibibigay nito ang mga serbisyong kailangan ng publiko, gaya ng maayos na kalsada, serbisyong pangkalusugan, at agarang pagtugon sa mga sakuna.