Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang halong pulitika ang imbestigasyon nito sa drogang nasabat sa Laos.
Kasunod ito ng pagbubunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon na isang pulitiko umano mula sa Mindanao ang financier ng tangkang pagpuslit ng droga.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co, malinaw ang posisyon ng PNP sa usapin.
“Walang politics itong investigation. We do not play at politics… Hindi tayo nakikihalo sa pulitika. Ang sa atin ay all our investigations are evidence-based, based on facts and based on documents, yun lang ang sa atin,” ani Co.
Kaugnay nito, sinang-ayunan ng PNP ang pahayag ng PDEA na natukoy na ang financier ng tangkang pagpuslit ng droga.
Patuloy naman ang case build-up, at ayon sa PDEA, inaasahang makapagsasampa na ito ng kaso sa mga susunod na araw laban sa mga sangkot.