Office of the Ombudsman
Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang dismissal sa serbisyo kina Urdaneta City, Pangasinan Mayor Julio Fernandez Parayno III, Vice Mayor Jimmy Dereje Parayno, at anim na miyembro ng Sangguniang Panlungsod dahil sa mga kasong administratibo.
Nag-ugat ang mga kaso sa umano’y pagtanggi ng alkalde at bise alkalde na sumunod sa suspensiyong iniutos ng Office of the President noong Enero 2025.
Batay sa desisyon ng Ombudsman, administratively liable ang mga opisyal dahil patuloy umanong ginampanan ng dalawa ang kanilang mga tungkulin sa kabila ng kautusan.
Samantala, ang mga konsehal ay napatunayang liable rin dahil sa umano’y pagtangging tumanggap at sumunod sa mga designation order ng DILG na nag-aatas sa kanila na pansamantalang gumanap bilang acting mayor at acting vice mayor.
Kabilang sa mga konsehal sina Franco Paolo San Juan Del Prado, Warren Dela Cruz Andrada, Aurelio L. Agsalud, Sr., Franklin V. Villanueva, Jhan Hero Magpantay Sumera, at Alfonso Miguel Manuel Del Prado.
Bukod sa dismissal, kinansela na rin ang kanilang eligibility, permanenteng disqualified sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan, at forfeited na rin ang retirement benefits.
Samantala, ibinasura ng Ombudsman ang iba pang mga kasong grave abuse of authority, conduct prejudicial to the best interest of the service, conduct unbecoming of a public official, at disgraceful and immoral conduct laban kina Mayor Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno dahil sa kakulangan ng ebidensya.