Suportado ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ang mga pagsisikap sa seguridad sa karagatan ay dapat magprotekta sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
Kasamang dumalo ni Speaker Dy si Pangulong Marcos sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng pagtatatag ng Philippine Coast Guard (PCG).
Kasabay ng kanyang pagdalo, ipinagmalaki ng Speaker ang pagpasa ng Kamara sa House Bill No. 11562, o ang panukalang Revised Philippine Coast Guard Law, na naglalayong palakasin ang ahensya sa pamamagitan ng mga repormang pang-organisasyon, mas pinahusay na operasyon, mas magandang benepisyo para sa mga tauhan nito at kanilang pamilya.
Ang panukala, na inaprubahan sa ikatlong pagbasa noong Oktubre 6, ay naglalayong tugunan ang dumaraming responsibilidad ng PCG sa pagtugon sa mga aksidente sa dagat, mga iligal na gawain, mga sakuna sa kalikasan, at mga banta sa pambansang seguridad.
Layunin din nitong ayusin ang mga pangangailangan sa organisasyon na nakakaapekto sa kakayahan ng ahensya.
Bukod sa mga kagamitan at reporma sa organisasyon, layunin din ng panukala na iangat ang mga benepisyo ng mga tauhan ng Coast Guard.
Itinatag din ng panukalang batas ang Philippine Coast Guard Academy upang mapabuti ang pagsasanay at propesyonal na pag-unlad ng mga susunod na opisyal ng PCG.