Masinsinan na ang paghahanda ng Pambansang Pulisya, partikular ang National Capital Region Police Office (NCRPO), para sa papalapit na Undas.
Sa panayam ng programang BOSES kay NCRPO Spokesperson Police Lieutenant Col. Hazel Asilo, sinabi niyang nakatutok na sila sa lahat ng sementeryo gayundin sa iba’t ibang pampublikong lugar, tulad ng mga transport terminal, parke at iba pang lugar na may mataas na traffic at dami ng tao.
Kabilang sa mga paiigtingin ang police visibility, patrol, help desk at mabilisang emergency response ng NCRPO.
Simula October 30, 12:01 AM, ikakasa na ang full alert status ng NCRPO na magtatagal hanggang matapos ang Undas operations ng PNP.
Isinasapinal na rin ng PNP ang bilang ng mga force multiplier na makakasama sa pagbabantay sa mga pampublikong lugar at sementeryo.