Pinalakas ng Philippine Coast Guard (PCG) at Japan Coast Guard (JCG) ang kanilang koordinasyon at kahandaan sa pagtugon sa piracy at armed robbery sa karagatan, sa isinagawang joint exercise sa Manila Bay malapit sa Corregidor Island ngayong Linggo, Oktubre 18.
Ayon kay Rear Admiral Christopher Meniado, nakatuon ang pagsasanay sa komunikasyon, koordinasyon, at tamang proseso ng pagresponde sa mga barkong nasa panganib.
Sa simulation, ipinakita ng PCG ang paggamit ng iba’t ibang estratehiya sa dagat kabilang ang paggamit ng drone upang beripikahin ang distress signal bago isagawa ng boarding teams ang pag-akyat at paghahalughog sa barkong kunwaring inatake ng mga pirata.
Binigyang-diin naman ni Meniado ang kahalagahan ng tiwala at mabilis na koordinasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa pagresponde sa ganitong mga insidente.
Bagama’t naging matagumpay ang pagsasanay, kinilala ng PCG ang mga aspetong kailangan pang pagbutihin upang higit pang mapahusay ang maritime security at pagtugon sa mga banta sa karagatan.