Pinalalawak ng Pilipinas at Estados Unidos ang kanilang kooperasyon sa energy security, kabilang ang pagpapaunlad ng indigenous energy resources at nuclear power, upang matiyak ang mas maaasahan at abot-kayang suplay ng enerhiya sa bansa.
Ito ay matapos makipagpulong si Energy Secretary Sharon Garin kay U.S. Energy Secretary Chris Wright sa Washington, D.C., noong Oktubre 15.
Tinalakay ng dalawang opisyal ang posibleng kooperasyon sa liquefied natural gas o LNG, coal, geothermal at nuclear energy, gayundin ang strategic petroleum reserves at natural hydrogen.
Kasama rin sa usapan ang pagpapalakas ng kahandaan ng Pilipinas sa posibleng pagkaantala ng suplay ng langis, at ang pagpapaunlad ng kakayahan ng bansa para sa ligtas at responsableng paggamit ng nuclear energy.
Kabilang dito ang suporta ng Estados Unidos sa pagsasanay, technical expertise at institutional capacity-building para sa nuclear power development.
Ayon sa Department of Energy (DOE), layunin ng mga partnership na ito na mapalawak ang pinagkukunan ng enerhiya ng Pilipinas, mapalakas ang seguridad sa suplay, at masuportahan ang pangmatagalang pangangailangan ng mga Pilipino sa maaasahan at abot-kayang kuryente.