Nakalikha ang Globe Telecom ng P1.2 bilyong halaga mula sa paggamit nito ng artificial intelligence (AI), kabilang ang dagdag na kita, natipid sa gastos, at mas mahusay na produktibidad. Mas binibigyang-pansin ngayon ng kompanya ang aktuwal na pakinabang ng teknolohiya sa nasabing negosyo.
Batay sa paunang pagsusuri ng Globe, umabot sa 2.8 beses ng ipinuhunan nito sa AI ang kabuuang balik mula sa mga proyektong gumagamit ng generative AI (GenAI) at AI at machine learning (AI/ML) hanggang Agosto 2026.
“The real measure of AI is not how many people are using it, but what it actually improves. We want to see it translate into better experiences for our customers, more intelligent ways of working for our people, and tangible results for the business. That is why we are putting greater discipline around measuring the value AI creates,” sabi ni Globe President and CEO Carl Cruz.
Pinakamalaking bahagi ng pakinabang ay nagmula sa paggamit ng AI sa mga gawaing pangkomersiyo at serbisyo sa customer na nakalikha ng mahigit P825 milyon na karagdagang kita. Kabilang dito ang paggamit ng teknolohiya upang maiangkop sa pangangailangan ng mga customer ang mga alok at serbisyo sa Globe Rewards, roaming, lending, at postpaid.
Bukod dito, nakatipid ang kompanya ng P368 milyon sa pamamagitan ng paggamit ng AI sa finance, customer engagement, marketing technology, at order management. Ayon sa Globe, isinama na nito ang teknolohiya sa mga kasalukuyang proseso upang matugunan ang mga hamon sa operasyon at mapahusay ang kahusayan sa trabaho.
Nakatulong ang AI sa productivity at automation na nakatipid ng mahigit 52,000 oras ng trabaho, katumbas ng P28 milyon na halaga ng natipid na oras. Dahil dito, nabawasan ang oras na ginugugol ng mga empleyado sa paulit-ulit na gawain at mas nakapagtuon sila ng pansin sa mga trabahong nangangailangan ng pagsusuri, pagpapasya, at kolaborasyon sa kapwa empleyado.
Kasabay nito, umabot sa 90% noong Agosto 2026 ang paggamit ng AI sa buong organisasyon ng Globe. Lumawak din sa mahigit 450 empleyado ang komunidad ng mga AI builder ng kompanya na nagbibigay-daan sa mas maraming team, kabilang ang mga nasa labas ng mga pangunahing technology unit, na bumuo ng mga AI solution para sa pangangailangan ng kompanya.
Sa mas malawak na paggamit ng AI sa organisasyon, sinabi ng Globe na higit nitong paiigtingin ang pagsukat sa mga benepisyo ng teknolohiya at pananagutan sa mga puhunan nito. Sa ganitong paraan, mas matutukoy ng kompanya kung paano nakatutulong ang AI sa negosyo at kung paano pa mapagbubuti ang mga resulta habang patuloy itong isinasama sa pang-araw-araw na operasyon.