Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang pagbubukas ng US$80‑million UPS Clark International Air Hub. Ang bagong pasilidad na may 30,000 square meters ay 15 beses na mas malaki kaysa dating hub, kayang magproseso ng 15,000 packages kada oras, humawak ng 46,000 shipments araw‑araw, at suportado ng 170 flights linggo‑linggo sa 1,100 trade lanes worldwide. Halos 600 trabaho ang inaasahang malilikha.
Binigyang‑diin ng Pangulo na ang proyekto ay patunay ng tiwala ng mga mamumuhunan sa bansa, ngunit kinilala rin ang mga hamon sa logistics gaya ng mataas na gastos, siksik na daungan, at mahinang road networks. Tinutugunan na raw ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga infrastructure upgrades at ang planong Subic‑Clark‑Manila‑Batangas Railway. Ayon sa Pangulo, mahalaga ang maayos na logistics lalo na’t naghahanda ang bansa sa posibleng epekto ng Super El Niño sa suplay ng pagkain.
Sa programang Diskarteng Wais ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni financial analyst Jonathan Ravelas na malaking hakbang ito na muling nagpapatunay sa kahalagahan ng lokasyon ng Pilipinas sa larangan ng logistics. “Napakaganda ng lokasyon ng bansa — malapit sa China at sa ASEAN, tatlong oras lang ang layo sa ere. Kaya madali tayong maging transshipment point,” ani Ravelas.
Dagdag pa niya, maaaring magsilbing gateway ang Clark at Subic para sa ASEAN trade, habang ang Davao naman ay mahalaga sa East Asian Corridor ng BIMP‑EAGA. “Kung magtutuloy‑tuloy ito, maipapakita natin ang Pilipinas bilang logistics hub. At ang pinakamahalaga, makakalikha ito ng trabaho,” wika niya.