Photo courtesy of DSWD FIELD OFFICE 5 - BICOL REGION
Ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang kabuuang ₱34,539,000 na social pension sa 5,743 benepisyaryo ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens (SPISC) sa Sorsogon City nitong Oktubre 15–17, 2026.
Ayon sa DSWD Bicol, saklaw ng payout ang ikatlo at ikaapat na quarter ng 2026 at isinagawa sa Balay na Dako, Barangay Sampaloc, para sa mga benepisyaryo mula sa 64 na barangay ng lungsod. Bawat isa ay tumanggap ng ₱6,000 bilang tulong sa kanilang mga pangunahing pangangailangan, kabilang ang pagkain at gamot.
Ibinahagi rin ng ahensya na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa patnubay ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, patuloy na naghahatid ang kagawaran ng tulong pinansyal sa mga indigent senior citizen upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Dagdag pa ng ahensya na sa pamumuno ni Regional Director Norman Laurio, katuwang ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Lokal na Pamahalaan ng Sorsogon City, patuloy na isinusulong ng DSWD Bicol ang mga programang naglalayong pangalagaan ang dignidad, karapatan, at kapakanan ng mga nakatatanda.
Samantala, hinikayat din ang mga senior citizen na mag-ingat laban sa matinding init, uminom ng sapat na tubig, at sumunod sa mga paalala ng mga kinauukulang awtoridad sa harap ng banta ng El Niño.