Isinailalim sa administrative relief at restrictive custody ng Philippine National Police (PNP) ang babaeng Pulis na sangkot umano sa naharang na 521 kilo ng hinihinalang shabu na naharang sa Laos kamakailan.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, inalis sa puwesto ang naturang pulis noon pang Oktubre 13 subalit hindi nito idinetalye kung ano ang partisipasyon ng babaeng Pulis sa naturang kaso.
Gayunman, bilang bahagi ng Inter-Agency Task Group, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang ahensya para sa pangangalap ng mga mahahalagang impormasyon.
Iginiit ng PNP Chief na hindi nila kinukonsinte ang mga iligal na gawain ng kanilang mga tauhan at tiniyak na mahaharap ang mga ito sa kaukulang parusa sa ilalim ng mga umiiral nilang panuntunan.