Arestado na rin ng mga tauhan ng Police Regional Office 3 ang 2 pang kasabwat ng Nigerian national na naaresto ng mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Balibago, Angeles City sa Pampanga.
Ito’y kasunod ng isinagawang anti-illegal drug operation, isang araw lang mula nang mahuli ang Nigerian national na nahulihan ng aabot sa 3,510 ng mga hinihinalang ecstacy na nagkakahalaga ng halos 6 na milyong piso.
Ayon kay PRO3 Director, PBGen. Jess Mendez, pawang mga Nigerian national at residente rin ng Mabalacat ang 2 pang naarestong kasapakat ng nauna nilang naaresto na kapwa itinuturing din ng Pulisya na High Value Individuals (HVIs).
Nakuha sa kanila ang tinatayang nasa 12 gramo ng mga hinihinalang pinatuyong dahon ng Marijuana, 1 gramo ng hinihinalang high grade Marijuana o Kush at nasa 60 na mga hinihinalang ecstasy tablets na nagkakahalaga ng ₱104,940.
Kasalukuyang nasa kostudiya na ng Pulisya ang 2 pang naarestong drug suspek at kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Dagdag pa ni Mendez, pinaigting pa nila ang intelligence operations ng PRO3 at tinitingnan na ngayon ang ugnayan ng bawat isa partikular na ang “source” o pinagkukunan nila ng iligal na droga sa lugar.