Nakatakdang mag-deploy ang Police Regional Office 6 (PRO-6) ng 6,552 pulis, force multipliers at tauhan ng iba pang ahensya sa Western Visayas mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 para matiyak ang seguridad ng publiko sa paggunita ng Undas 2026.
Kabilang sa mga babantayan ang mga sementeryo, memorial park, columbarium, lugar ng pagsamba, pangunahing lansangan, terminal at mga pasyalan na inaasahang dadagsain ng mga tao.
Sa kabuuang bilang ng mga ide-deploy, 3,284 ang mga pulis, 1,170 ang tauhan ng iba pang ahensya ng pamahalaan at 2,098 ang force multipliers.
Magkakaroon din ng mobile patrol operations, mga checkpoint at 265 Police Assistance Desk sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon upang magbigay ng agarang tulong sa publiko. Isasailalim din sa full alert status ang lahat ng unit ng PRO-6.
Binigyang-diin ni PRO-6 Regional Director Police Brigadier General Tuaño na mahalaga ang maagang paghahanda at pakikipagtulungan ng publiko upang matiyak ang ligtas at maayos na paggunita ng Undas.
Ayon sa kay Tuaño, nais ng kapulisan na makadalaw ng payapa ang mga pamilya sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay at makauwi ng ligtas. Hinimok din niya ang publiko na sumunod sa mga panuntunang pangseguridad, mag-ingat sa paglalakbay at agad lumapit sa mga pulis kung nangangailangan ng tulong.
Pinapayuhan naman ang publiko na tiyaking nakakandado ang kanilang mga tahanan bago umalis, bantayan ang mga bata at matatandang kasama at ingatan ang mga personal na gamit sa matataong lugar.
Pinapaalalahanan din ang mga motorista na suriin ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan, magpahinga ng sapat bago bumiyahe at sumunod sa mga batas-trapiko.
Para sa mga emergency, maaaring lumapit sa pinakamalapit na Police Assistance Desk o istasyon ng pulisya o tumawag sa Unified 911.
📷 PRO-6