Naglaan ang Government Service Insurance System o GSIS ng 1.69 billion pesos para sa emergency loan ng 68,506 miyembro at pensyonado sa Bicol Region.
Inilabas ang pondo matapos ideklara ang State of Calamity sa Albay at Naga dahil sa pagdami ng kaso ng dengue, habang naapektuhan naman ng El Niño ang Camarines Norte.
Sa ilalim ng programa, pwedeng umutang ng hanggang 20,000 pesos ang mga bagong borrower na may monthly amortization na ₱655.26 at may 6% interest rate habang hanggang 40,000 pesos naman sa mga may umiiral nang loan balance at pwedeng bayaran sa loob ng tatlong taon.
Tiyak ding ligtas ang pamilya ng hihiram dahil may kasama itong redemption insurance, kung saan fully paid na ang natitirang utang sakaling pumanaw ang borrower, basta’t updated ang hulog nito.
Para naman maging kwalipikado dapat ang myembro nakapagbayad ng di bababa sa tatlong premium contribution walang di bayad na utang ng higit anim na buwan, at dapat di bababa sa ₱5,000 ang take home pay. Wala din dapat hinaharap na kasong administratibo at kriminal at hindi dapat naka leave without pay.
Maaaring mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app kung saan direktang papasok ang pera sa eCard o UMID card.
Ang deadline ng application ay hanggang October 24 sa Albay, October 27 sa Camarines Norte, at October 28 naman sa Lungsod ng Naga. | ulat ni Louisa Erispe