Aabot sa tinatayang 114 billion dollars kada taon ang posibleng pagkalugi sa ekonomiya ng Southeast Asia dahil sa online scams.
Ito ang babala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, sa kanyang mensahe bilang chair ng 20th ASEAN Ministerial Meeting on Transnational Crime nitong Martes.
Kung kaya binigyang-diin ng kalihim ang halaga ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga alagad ng batas laban sa mga criminal network na gumagamit ng makabagong teknolohiya sa kanilang mga ilegal na operasyon, na kabilang sa mga pangunahing layunin ng pagpupulong sa pangunguna ng Pilipinas bilang ASEAN 2026 chair.
Isinusulong din niya ang mas mahigpit na pagtutulungan ng mga bansa at pribadong sektor, partikular ng mga technology company, gayundin ang specialized training para sa mga law enforcement personnel upang mas epektibong masugpo ang transnational crime, kung saan kabilang din ang human trafficking, cybercrime, smuggling, bentahan ng illegal na droga, at exploitation.
Samantala, inanunsyo ng DILG na napanatili ng Pilipinas ang Tier 1 status sa 2026 Trafficking in Persons Report ng United States Department of State, na nangangahulugang natutugunan ng bansa ang minimum standards ng Estados Unidos para sa pag-aalis ng human trafficking.
Ayon sa DILG, ito ang ika-11 magkakasunod na taon na napanatili ng Pilipinas ang naturang klasipikasyon. Kabilang sa mga isinasagawang hakbang ng pamahalaan ang pagpapalawak ng Victim Identification System, pagpapalakas ng National Referral Mechanism, at pagtutulungan ng mga ahensiya sa ilalim ng Inter-Agency Council Against Trafficking upang maprotektahan ang mga biktima at mapanagot ang mga sangkot sa naturang krimen.