Iginiit ni Chief Justice Alexander Gesmundo na hindi labag sa Konstitusyon ang Unprogrammed Appropriations dahil nagbibigay ito ng limitadong kakayahan sa Pangulo na tumugon sa mga hindi inaasahang pangangailangan ng bansa, lalo na sa panahon ng krisis.
Base sa posisyon ni Gesmundo, maaari itong gamitin bilang nakalaang pondo sakaling kailanganin, basta’t hindi nito naaapektuhan ang pangkalahatang plano ng gobyerno sa paggastos.
Binigyang-diin din niya na hindi maaaring dagdagan ng Kongreso ang halagang inilaan para sa Unprogrammed Appropriations na iminungkahi ng Executive Department.
Kung may idadagdag na pondo rito, dapat katumbas naman nito ang ibabawas sa Programmed Appropriations o mga pondong nakalaan na para sa mga programa at proyekto ng gobyerno.
Iginiit naman ni Navotas Rep. Toby Tiangco na pinagtitibay ng desisyon ng Korte Suprema ang kahalagahan ng transparency at accountability sa paggamit ng pera ng bayan.
Ayon kay Tiangco, ilan sa mga isyung ilang beses na inilutang sa Kamara ang kakulangan ng dokumentasyon sa mga pagbabagong ginawa sa budget sa bicameral conference committee at malawak na kapangyarihan sa paggasta.
Giit ng mambabatas, dapat malinaw sa publiko kung saan napupunta ang bawat pisong mula sa buwis ng mga mamamayan, at hindi dapat magkaroon ng mga pagbabago sa budget nang walang sapat na paliwanag at pananagutan.
Mahalaga aniya ang desisyon ng Korte Suprema sa gitna ng patuloy na pagsisikap na matukoy at mabunyag ang mga iregularidad sa paggastos para sa mga flood control project. Kahapon nang idineklara ng Supreme Court en banc na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng 2024 at 2025 national budget kaugnay ng Unprogrammed Appropriations.
