Photo courtesy of Rep. PM Vargas/Facebook
Itinutulak ng isang mambabatas ang mandatory na paglalagay ng rooftop solar energy systems sa lahat ng government housing projects sa bansa upang mapababa nang hanggang kalahati ang gastusin sa kuryente ng mga pamilyang benepisyaryo.
Sa ilalim ng House Bill No. 10478 o Power sa Mamamayan Act na iniakda ni Quezon City 5th District Representative PM Vargas, itatatag ang Solar ng Tahanan Financing Program na magbibigay ng solar equipment sa pamamagitan ng pangmatagalang housing loan nang walang paunang bayad.
Layunin nitong maibsan ang gastusin ng mga pamilyang inilipat sa relocation sites, na gumagastos umano ng ₱600 hanggang ₱1,200 kada buwan sa kuryente.
Sa ilalim ng panukala, maaaring gamitin ng mga pamilya ang sariling solar power at ibenta sa mga lokal na power distributor ang sobrang kuryente kapalit ng kredito sa kanilang buwanang bayarin.
Target ding tiyakin ng panukala na hindi maipapasa sa mga benepisyaryo ang gastos sa solar equipment kung magiging mas mataas ang pinagsamang hulog sa bahay at bayarin sa kuryente kumpara sa karaniwang gastos sa kuryente.
Saklaw ng panukala ang mga housing program ng National Housing Authority at Social Housing Finance Corporation.