Binigyang-diin ng isang constitutional law expert na may buong kapangyarihan ang Korte Suprema na repasuhin at ideklarang unconstitutional ang pambansang budget kung may nakitang pag-abuso sa kapangyarihan.
Ang sistema ng pamahalaan ay ang ehekutibo ang nagpapasok ng panukalang badyet habang ang lehislatura naman — ang Senado at Kamara — ang nagpapatibay at nag-aamyenda rito sa ilalim ng tinatawag na “Power of the Purse”.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa Constitutional Law Expert na si Atty. Domingo “Egon” Cayosa, ipinaliwanag nito na sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution, may tinatawag na residual power ang Korte Suprema upang subaybayan at idineklarang walang bisa ang anumang hakbang ng ibang sangay ng pamahalaan kung ito ay naglalaman ng grave abuse of discretion.
Dagdag pa ni Atty. Cayosa, isa sa mga pangunahing fundamental flaws o kapintasan sa pagbuo ng 2024–2025 national budget ay ang ginawang pagbabago ng Bicameral Conference Committee sa malalaking probisyon nito. Nang suriin ito ng Korte Suprema, lumabas na nagkulang ito sa prinsipyo ng transparency at accountability.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng dalubhasa na pinagsama-sama na ng Korte Suprema ang iba’t ibang petisyon bilang isang consolidated case upang direktang resolbahin ang usapin.
Nilinaw rin ni Atty. Cayosa na kapag napatunayang may lumabag sa legal na proseso o may maling paggamit sa pondo ng bayan, walang sinuman ang exempted. Maaari pa ring sampahan ng kaukulang kasong kriminal at administratibo ang sinumang opisyal na mapapatunayang sangkot dito.