Itinutulak ni Senador Chiz Escudero na maisama sa programang pabahay ng gobyerno ang libu-libong condominium units na hindi nabebenta, para magamit ang mga ito at matugunan ang kakulangan sa abot-kayang pabahay sa bansa.
Una nang binahagi ni Colliers Philippines Research Director Joey Roi Bondoc na tinatayang 80,000 condominium units ang hindi nabebenta sa Metro Manila pa lang.
Marami aniya sa mga ito ay orihinal na inilaan para sa merkado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Para kay, Escudero, isang kabalintunaan ang sitwasyon dahil habang maraming bakanteng condominium units ay milyon-milyong Pilipino naman ang nangangailangan ng sariling tahanan.
Kaya naman minungkahi niyang pag-aralan ng gobyerno at mga developer ang pagsasama ng mga sobrang condominium units sa pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino o (4PH) Program.
Binigyang-diin ni Escudero na hindi lang kakulangan sa supply ang problema kundi ang kakayahan rin ng mga ordinaryong Pilipino na bayaran ang kanilang tahanan.
Kaya dapat din aniyang pag-aralan ang mas abot-kayang financing schemes, subsidiya, mas mahabang hulugan at pagpapalawak ng rental housing.
Bahagi rin ito ng mga hakbang na isinusulong ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, na pinamumunuan ni Escudero.
Kabilang dito ang Senate Bill 1992 na naglalayong palakasin ang kakayahan ng gobyerno na bumili ng lupa para sa socialized housing.
ng panukalang ito, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado.
Inihain din niya ang Senate Bill 2571 na magpapahintulot sa mga developer na gawing accredited socialized housing units ang mga ready-for-occupancy condominium units, basta’t pasok sa price ceilings at development standards ng DHSUD. Maaari ring ibawas ang mga ito sa kanilang kasalukuyan o susunod na balanced housing obligations. | ulat ni Nimfa Asuncion