Nakiisa si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa panawagang muling payagan ang turboprop aircraft sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang mapagaan ang gastos at abala sa mga lokal na biyahe.
Ayon kay Zubiri, mas naging mahal at hindi na madaling puntahan ng mga ordinaryong Pilipino ang ilang destinasyon sa bansa matapos ilipat sa Clark at iba pang regional airports ang mga turboprop flight.
Kabilang sa mga apektadong destinasyon ang Siargao, Coron at El Nido, kung saan kailangan pang bumiyahe nang dalawa hanggang tatlong oras mula Metro Manila patungong Clark bago makasakay ng domestic flight.
Binigyang-diin ni Zubiri na nadaragdagan ang gastos at oras ng mga biyahero, dahilan upang mas piliin ng ilan na magbakasyon sa Vietnam o Taiwan kaysa sa mga probinsiya sa bansa.
Sinuportahan din ng senador ang panawagan ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na repasuhin ang restriksiyong ipinatupad noong Marso 29, 2026, bilang bahagi ng hakbang upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa NAIA.
Kinikilala naman ni Zubiri ang pangangailangang paunlarin ang Clark bilang alternatibong aviation gateway, ngunit iginiit na hindi dapat tuluyang mawala ang maginhawang access ng mga pasahero mula Metro Manila sa mga lokal na destinasyon.
Ayon sa senador, mahalaga ang mas madaling biyahe sa mga tourist destination upang masuportahan ang mga hotel, resort, restaurant, transport operator at maliliit na negosyong umaasa sa turismo. | ulat ni Nimfa Asuncion