Office of the Ombudsman
Suspendido ng hanggang anim na buwan si Rosario, Cavite Mayor Jose Voltaire Ricafrente, kaugnay ng umano’y pagsusugal niya sa isang casino sa Bacolod City.
Sa anim na pahinang kautusan ng Office of the Ombudsman, iniutos ang suspensyon kay Ricafrente nang walang matatanggap na sweldo habang nakabinbin ang reklamong Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service laban sa kanya.
Lumabas sa imbestigasyon ng Field Investigation Office na nagtungo umano ang alkalde sa isang casino sa loob ng isang hotel noong March 14, 2026, kasama ang ilang indibidwal.
Naglaro umano siya sa gaming table gamit ang ₱30,000 na halaga ng casino chips, at nanalo ng ₱10,000 bago umalis.
Ayon sa Ombudsman, nilabag nito ang Memorandum Circular No. 6, Series of 2016 ng Office of the President, na nagbabawal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na pumasok, manatili, o maglaro sa mga casino.
Naipadala na sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kopya ng kautusan para sa pagpapatupad ng suspensyon, at inatasan itong magsumite ng Proof of Compliance.