Itinulak ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito ang pagtatayo ng mga water impounding facility at iba pang water retention projects bilang paghahanda sa inaasahang matinding epekto ng Very Strong El Niño.
Sa budget hearing ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Ejercito na makatutulong ang mga pasilidad na ito na mapigilan ang pagbaha tuwing tag-ulan at masiguro ang suplay ng tubig para sa irigasyon tuwing tagtuyot.
Sinuportahan naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang panukala. Ayon kay Laurel, nakikipag-ugnayan na ang DA sa National Irrigation Administration at Department of Public Works and Highways (DPWH ) para bigyang-prayoridad ang mga dam, water impounding facility, kanal at daluyan ng tubig para sa agrikultura.
Sinuportahan din ni Ejercito ang sampung-bilyong pisong Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk para sa agarang tulong sa mga magsasaka at mangingisda na maaapektuhan ng El Niño.
Samantala, kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ipinamahagi na ang isang-bilyong pisong fuel assistance para sa mga mangingisda kasabay ng pagpapadala ng mga sasakyang-pandagat sa mahahalagang lugar.
Hiniling din ni Ejercito sa Sugar Regulatory Administration na tiyaking hindi sa panahon ng anihan maglalabas ng pahintulot para sa pag-aangkat ng asukal. Aniya, kailangang protektahan ang mga lokal na magsasaka ng tubo na nahaharap na sa epekto ng tagtuyot at pag-atake ng peste.