Target ng Department of Finance (DOF) na maihain sa Kongreso bago matapos ang taon ang panukalang general tax amnesty program.
Ayon kay Finance Undersecretary Rolando Ligon Jr., umaasa silang tuluyan nang matatalakay sa Kongreso ang matagal nang inaabangang amnestiya sa buwis.
Aniya, kasalukuyang nasa proseso ng pagaaayos ng draft bill upang matiyak ang tagumpay at kahusayan ng programa kapag ito ay tuluyan nang maging batas.
Dagdag pa ng opisyal ng pananalapi, kailangan nilang masusing ikonsidera ang mga karagdagang buwis na kinakailangang makolekta ng pamahalaan.
Matatandaang kabilang ang general tax amnesty sa mga prayoridad na legislative agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at binigyang-diin din niya ito sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).