Ligtas nang nakauwi sa bansa ang karagdagang 49 na Overseas Filipino Workers o OFW mula Dammam, Saudi Arabia ngayong Biyernes, October 23.
Dahil dito, umabot na sa kabuuang 248 na mga Pilipino ang matagumpay na naipauwi ng Department of Migrant Workers o DMW at Overseas Workers Welfare Administration o OWWA mula sa naturang bansa.
Paliwanag ni OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, patuloy ang kanilang pagsasaayos ng mga biyahe kung saan nakatakda pang umuwi ang 326 OFW bago matapos ang buwan ng Oktubre at may 72 OFW na target mapauwi sa November 2.
Samantala, sinusubaybayan din ng DMW at OWWA ang kalagayan ng pitong Pilipinong nasugatan sa mga naunang insidente sa Riyadh na nasa maayos nang kondisyon, habang inaalam pa ang opisyal na detalye ukol sa naiulat na pagkasawi ng isang OFW sa Aramco Shaybah oil field.
Tiniyak naman ng pamahalaan na nakahanda ang buong tulong at assistance para sa lahat ng mga apektadong manggagawa at kanilang pamilya.