Matapos ang 15 taong pagkakatengga, inaasahang bubuksan sa darating na Biyernes, Oktubre 30 o bago mag-Undas ang dalawang lane ng Kilicao-Binitayan Bridge sa Daraga, Albay, kasunod ng paglalaan ng pondo para sa pagkukumpuni nito sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Mahalaga ang pagkumpleto ng 70-metrong tulay na nagkakahalaga ng mahigit ₱260 milyon dahil ito ang pangunahing tawiran ng mga residente mula sa anim na barangay sa Daraga malapit sa paanan ng Bulkang Mayon.
Bukod sa pagpapagaan ng pang-araw-araw na biyahe, inaasahang mapabibilis din ng tulay ang pagsasagawa ng mga preemptive evacuation tuwing may bagyo at pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Bago buksan sa mga motorista, sinabi ni Sec. Dizon na sasailalim muna sa road testing ang tulay, habang isasagawa rin ang clearing operations sa bike lane at pedestrian lane upang matiyak ang kaligtasan ng mga gagamit nito.
Noong Mayo, iniutos ni Pangulong Marcos ang paglalaan ng pondo para makumpleto ang natitirang bahagi ng proyektong matagal na naantala.
Samantala, inatasan ni Secretary Dizon ang mga regional director ng DPWH na tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko ngayong Undas sa pamamagitan ng Lakbay Alalay, katuwang ang Department of Transportation (DOTr), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).


