Inanunsiyo ni PCO Acting Secretary Lino Cayetano ang pagbabalik ni DPWH Secretary Vince Dizon sa Department of Transportation (DOTr), habang papalit naman si DOTr Acting Secretary Giovanni “Banoy” Lopez sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang reshuffle, ayon kay Cayetano, ay bunsod na rin ng pagnanais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang mga reporma sa dalawang ahensiya na aniya’y dapat maramdaman ng mga Pilipino araw-araw.
Ayon kay Cayetano, tututukan ni Dizon ang araw-araw na biyahe ng ating mga kababayan, paiikliin ang pila sa LTO at wakasan ang pamamayagpag ng mga fixers.
Sa kabilang banda, pinatitiyak naman ng Pangulo kay Lopez na matutukan ang mga ginagawang reporma sa DPWH kontra sa katiwalian at makumpleto ang mga proyektong hindi pa natatapos.
Sa harap nito, ani Cayetano, nananatiling magkatulad ang misyon nina Dizon at Lopez: ang ipakita ang isang pamahalaang kumikilos nang mas mabilis at nagbibigay ng mas mahusay na serbisyo.