Seryosong tututukan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang modernisasyon ng Land Transportation Office (LTO) upang tuluyan nang masugpo ang problema sa mga fixer at ang mga pagkaantala sa pagproseso ng mga dokumento.
Ayon kay Dizon, hindi na katanggap-tanggap na hanggang sa taong 2026 hanggang 2027 ay dumaranas pa rin ang mga mamamayan sa mga lumang sistema kung saan namamayani ang mga fixer.
“Kailangan nang i-modernize na natin, gawin na nating maayos ang LTO… Sabi ko nga kahapon sa interview ko, is 2026, pagdating ng 2027, ang mga kababayan natin pumipila pa rin, fixer pa rin hanggang ngayon. Hindi na pwedeng pwede,” ayon kay Dizon.
Dagdag pa ng kalihim, hindi lamang ang LTO ang isasailalim sa modernisasyon kundi maging ang lahat ng frontline agencies sa ilalim ng DOTr upang matiyak na mas magiging episyente at maginhawa ang serbisyo para sa publiko.
Alinsunod pa rin ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagandahin at lalo pang pabilisin ang serbisyo ng pamahalaan partikular na ang mga frontline agencies tulad ng Department of Transportation.