Nais ding alamin mismo ni House Lead Prosecutor at Batangas Second District Representative Gerville Luistro ang pinagmulan ng umano’y ₱1.31-bilyong halaga ng mga infrastructure project na inilaan sa kaniyang distrito sa 2027 national budget na inaprubahan ng Kamara.
Kasunod ito ng pagtukoy ng budget watchdog na People’s Budget Coalition na kabilang ang distrito ni Luistro sa may pinakamalalaking alokasyon para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa susunod na taon.
Sinabi ni Luistro na nais din niyang malaman kung saan nagmula ang naturang halaga, dahil hindi siya gaanong nakalahok sa pagtalakay sa budget bunsod ng kaniyang pagiging abala sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang mga kahilingan para sa pondong pang-imprastraktura ay unang isinusumite ng DPWH District Engineering Office sa Regional Office bago dalhin sa Central Office, habang ang panukalang budget ng ahensiya ay dumaraan din sa pagsusuri ng Department of Budget and Management (DBM) para maisama sa National Expenditure Program (NEP).
Dagdag pa niya, halos pareho lamang ang pondong inilaan sa kaniyang distrito sa 2027 General Appropriations Bill at ang nakasaad sa NEP.
Ayon din aniya sa kanilang district engineering office, hindi nila makita ang batayan ng naiulat na ₱1.3-bilyong alokasyon, kaya nais pa rin niyang makita ang kumpletong listahan ng mga proyekto upang maberipika ang halaga at kung paano ito naiugnay sa kaniya.