Patuloy pa rin ang pag-iisyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng special permits para sa mga pampublikong transportasyon tulad ng mga bus na bibiyahe ngayong Undas.
Sa panayam ng programang BOSES kay LTFRB Acting Chairperson. Atty. Greg Pua Jr., sumampa na sa mahigit 1,200 special permits ang kanilang nailabas at posibleng pa itong madagdagan dahil tumatanggap pa rin sila ng karagdagang requests.
Nagtalaga rin ng help desks at satellite offices ang LTFRB sa mga terminal at transportation hubs upang umasiste sa mga biyahero at upang agad na makapag-issue ng special permit sa mga Public Utility Vehicles kung kinakailangan.
Maaari ring tignan ng mga pasahero sa help desk at satellite offices ng LTFRB kung mayroon nga bang special permit ang kanilang sasakyang bus o pampublikong transportasyong upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Higit naman sa pagtiyak ng mga sasakyan ng mga biyahero ay binabantayan din ng LTFRB ang pagsunod sa compliance ng mismong waiting areas ng mga terminal at transportation hub upang matiyak naman ang kaginhawahan ng mga pasahero habang naghihintay sila sa kani-kanilang biyahe.
Mahigpit umano ang bilin ni Transportation Sec. Vince Dizon na hindi dapat palusutin ang mga non-compliant na bus companies at transport terminals na lumalabag sa mga itinatakda ng batas.