Photo courtesy of Philippine National Police (PNP)
Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang limang armadong suspek kabilang ang isang barangay kagawad sa Aroroy, Masbate.
Ito ay matapos ang ikinasang operasyon bilang tugon sa mga ulat sa umano’y pananakot sa mga residente.
Tinukoy ng PNP ang isa sa mga suspek sa alyas na Jerson na isang halal na barangay kagawad ng Brgy. Bat-ongan sa Mandaon, Masbate.
Habang ang iba pang kinilala sa mga alyas na Mamerto, Guteza, at Claro ay pawang mga tauhan ng CAFGU Active Auxiliary (CAA).
Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga kinauukulang yunit ng pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente at tukuyin kung may iba pang mga indibidwal na sangkot.
Naaresto ang mga suspek bandang 5:20 ng hapon kahapon sa inilatag na checkpoint sa Brgy. Malubi, Aroroy, matapos harangin ng mga operatiba ang kanilang mga motorsiklo sa isang operasyon.
Nagsimula ito sa isang ulat na may mga armadong lalaking nakamotorsiklo na nanggugulo sa tahanan ng isang pamilya sa kalapit na Barangay Sawang.
Ipinag-utos din ng PNP Chief ang beripikasyon ng mga narekober na baril upang matukoy ang kanilang pagmamay-ari, katayuan ng rehistrasyon, at kung ang mga ito ay ginamit sa iba pang mga insidente sa probinsya.