Pinaghahandaan na ng House prosecution panel ang pagsusuri at pagtatanong sa mga testigo ng depensa kaugnay sa mga mansion at iba pang ari-arian ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, posibleng maging pangunahing isyu ang mga nasabing ari-arian sa panahon ng cross-examination habang sinasagot ng panig ng depensa ang mga paratang hinggil sa umano’y ₱800 milyon hanggang ₱1.5 bilyong unexplained wealth.
Aniya, kabilang sa mga ari-ariang ito ang mga inuugnay kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, pati na rin ang mga tinukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) na pagmamay-ari mismo ng bise presidente.
Binigyang-diin ni Ridon, na gagamitin ng prosecution panel ang pagkakataon sa cross-examination upang makakuha ng malinaw na sagot ukol sa mga kontrobersyal na ari-arian at kung sino talaga ang mga tunay na nagmamay-ari sa mga ito.