Binigyang-diin ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at Tingog Party-list Representative Jude Acidre ang pangangailangan ng malawak na akses sa edukasyon gamit ang teknolohiya at flexible learning.
Ito ang mensahe ni Acidre sa ginanap 39th Annual Conference of the Asian Association of Open Universities (AAOU) sa pangunguna ng Polytechnic University.
Ayon kay Acidre, malaki ang papel ng open at distance education sa pagtugon sa mga matagal nang kakulangan sa kalidad ng edukasyon sa bansa.
Inilahad ni Acidre ang findings ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ang problema sa foundational literacy at numeracy, student retention, kapasidad ng mga institusyon, at job mismatch.
Dahil dito, hinimok niya ang mga paaralan na huwag lamang tumutok sa dami ng mga nag-e-enroll kundi tiyakin na nakatatanggap ang mga estudyante ng sapat na gabay upang makapagtapos.
Bagama’t aniya malaki ang tulong ng distance education sa mga working student, overseas Filipino workers (OFWs), at mga hindi makapasok sa tradisyunal na silid-aralan, may suliranin pa rin na dapat tugunan.
Diin ni Acidre, importante sa distance education ang inclusion, integrity, at innovation.
Dagdag pa ng lawmaker, ang tunay na tagumpay sa edukasyon ay hindi nasusukat sa paggamit lamang ng bagong teknolohiya, kundi sa positibong pag-unlad sa buhay ng tao.