📷 Quinit Integrated Farm
Pagpapanatili ng pamana sa pagkaing Pilipino at paglikha ng mga oportunidad sa kabuhayan para sa kabataan ang isa sa naging sentro ng Sustainable Rice Processing Training na isinagawa sa Quinit Integrated Farm, Calasiao, Pangasinan.
Idinaos ang pagsasanay noong October 23 hanggang 25, 2026, para sa mga kabataang miyembro ng 4-H Club sa pakikipagtulungan ng Agricultural Training Institute (ATI) Region 1.
Binigyang-pansin sa programa ang pagpapayaman sa mga katutubong kakanin sa pamamagitan ng inobasyon at paggamit ng makabagong teknolohiya. Tampok din ang aktuwal na pagkatuto kasama ang isang heritage chef.
Layunin nitong higit na maunawaan ng mga kabataan ang kahalagahan ng pagpapanatili at pagpapaunlad ng mga tradisyonal na pagkaing minana sa mga naunang henerasyon.
Bukod dito, itinuro rin ang batayang pagproseso ng bigas, marketing, packaging, at kaligtasan sa pagkain.
Sa pamamagitan ng mga kasanayang ito, ipinakita ng programa na ang mga tradisyon ay maaaring maging bahagi ng pagpapaunlad ng mga produktong pagkain at mapagkukunan ng kabuhayan.
Binigyang-diin na hindi sapat na pangalagaan lamang ang pamana ng mga ninuno. Mahalaga ring patuloy itong paunlarin upang manatiling buhay ang tradisyon at maging katuwang ang kabataan sa pagbuo ng isang mas sustenableng kinabukasan.
📷Quinit Integrated Farm