Sa kanyang pambungad na mensahe sa 13th ASEAN Defence Ministers’ Meeting-Plus ( ADMM-Plus) hinimok ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., ang mga kinatawan ng 19 na mga bansa na kasali sa pagtitipon na magtulungan sa panahon ng krisis at iba pang mga pagkagambala na nakaapekto sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan at maging ng ibang mga bansa.
Ayon kay Secretary Teodoro na ikinagagalak ng ASEAN ang kooperasyon at pagkikipagtulungan kasama ang mga dialogue partners sa larangan ng seguridad sa pagkain at enerhiya sa gitna ng kinakaharap na hamon sa supply chain at mga sigalot sa ibang bansa.
Hiniling din ni Secretary Teodoro sa mga dialogue partners ng ASEAN ang pagprotekta sa mga migrant workers at seafarers lalo na ang mga mula sa maliliit na mga bansang kasapi ng ASEAN na naiipit sa mga labanan.
Ayon sa kalihim na gaya ng mga nauna nang napag-usapan sa mga defence dialogues, mayroong espesyal na responsibilidad ang international community na protektahan ang migrant workers at seafarers dahil sa kanilang natatanging kontribusyon sa ekonomiya at pamumuhay ng mga bansang kanilang pinagtrabahuan.