Tiwala si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na wala siyang ginawang anomang pahayag na may kinalaman sa libel o paninirang-puri laban sa dating National Security Adviser na si Prof. Clarita Carlos.
Ayon kay Tarriela, wala pa siyang natatanggap na pormal na kopya ng reklamo kaugnay sa kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanya ni Carlos sa National Bureau of Investigation (NBI).
“Para sa akin, kung ang issue is cyberlibel, ang siguro ang maiko-comment ko lang, as far as those things that I posted and said through my interviews, these are all facts. Wala naman akong sinabing libelous or something against her. And meron siyang interview na nili-label ko daw siyang pro-China,” pahayag ni Tarriela.
Sa kabila ng isyu, iginiit ng opisyal na wala siyang galit sa propesor at iginagalang niya ang desisyon nitong magsampa ng reklamo bilang karapatan nito.
“For me, para sa akin, ako ang namali sa mga nangyari sa mga nakaraang araw, tapos at the end of the day, ako pa ang sasampahan ng reklamo. But again, nire-respeto ko si Professor Clarita Carlos,” dagdag ni Tarriela.
Aniya, bukas siya sa pakikipag-ayos at handang makipagkita kay Carlos sakaling mag-anyaya ito.
“Wala akong galit kay ma’am, karapatan niya ‘yan… kung mag-invite si Ma’am ng coffee or lunch, I’ll be happy to meet her,” pahayag ni Tarriela.