Mariing itinanggi ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chair at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong ang alegasyon na may mga nagaganap na talakayan sa Kamara kaugnay ng posibleng pagkansela ng 2028 national elections o tinatawag na no-election scenario.
Aniya hindi kailanman naisip, natalakay o ikinonsodera ng Mababang Kapulungan ang naturang plano.
Wala rin umanong anumang panukala o deliberasyon para ipagpaliban o kanselahin ang halalan sa 2028.
“As Chairperson of the House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, I state with full confidence that this idea was never thought of, never discussed, and will never be entertained in the House of Representatives. There have been no talks, proposals, or deliberations of any kind on postponing or canceling the 2028 national elections.” saad ni Adiong
Binigyang-diin ng kongresista na ang regular na pagsasagawa ng halalan ay isang mandato ng Konstitusyon at ang anumang hakbang na lalabag dito ay hindi susuportahan ng Kamara.
Itinanggi rin niya ang umano’y plano na palawigin ang termino ng mga nakaupong opisyal o palitan ang kasalukuyang sistema ng pamahalaan tungo sa parliamentary form of government.
Sa halip, nakatuon aniya ang kanilang komite sa mga lehitimong reporma sa halalan, kabilang ang pagbabago sa party-list system at mga hakbang para matiyak ang integridad ng eleksiyon. Hinimok naman ni Adiong ang publiko na huwag magpakalat ng mga hindi beripikadong pahayag na maaaring magdulot ng kalituhan at makasira sa tiwala ng mamamayan sa mga demokratikong institusyon.