Mananatiling mataas ang alerto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa buong linggo, bilang paghahanda sa pagbabalik ng mga pasahero sa Metro Manila matapos ang mahabang ASEAN Summit break.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Greg Pua Jr., bagama’t nakabalik na sa trabaho at paaralan ang ilang pasahero simula Miyerkules, marami pang estudyante at manggagawa ang posibleng hanggang ngayong weekend pa babalik.
“We assure our kababayan that the same level of alertness will be maintained until all our kababayan who took advantage of the long break to travel go back to Metro Manila,” ani Pua.
Inatasan naman ang mga Regional Franchising and Regulatory Office na ipagpatuloy ang roadworthiness inspection ng mga bus at iba pang pampublikong sasakyan, at tiyaking handa ang mga driver at sumusunod sa mga patakaran ang mga bus terminal.
Patuloy ding binabantayan ng LTFRB ang social media at mga hotline para agad matugunan ang mga reklamo ng mga pasahero. Matatandaang idineklara ng Malacañang na special non-working days sa Metro Manila ang November 16 hanggang 18 para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.