Nagkasa na ng mga kaukulang paghahanda ang Office for Transportation Security o OTS para sa paggunita ng Undas kung saan nagtaas na rin sila ng heightened security alert.
Sa panayam ng PTV kay OTS Administrator, Undersecretary Gilbert Cruz pinalakas na nila ang kanilang information campaign sa tulong na rin ng iba’t-ibang media outfits upang paalalahanan ang publiko sa mga ipinagbabawal dalhin o bitbitin sa kanilang pagbiyahe partikular sa mga pampublikong transportasyon at paliparan.
Activated na rin ang Transportation Security Operations Center ng OTS na na siyang magmo-monitor 24/7 sa lahat nang nangyayari sa mga transportation system sa buong bansa.
Nagpakalat na rin ang OTS ng mga security auditors na siyang naglilibot sa iba’t ibang transportation hubs, terminals, pantalan, railway stations at paliparan upang matiyak ang seguridad at walang nangyayaring paglabag sa security protocols.
Ipinatutupad na rin ng OTS sa kanilang hanay ang “No Leave” policy kung saan kanselado na ang lahat ng leave request ng kanilang mga tauhan upang paghandaan ang inaasahang dagsa ng mga pasahero simula ngayong araw dahil sa paggunita ng Undas.