Inaasahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dalawa hanggang tatlong bagyo pa ang maaaring pumasok o tumama sa bansa bago matapos ang taong 2026.
Ayon kay PAGASA Administrator Dr. Nathaniel Servando, maaaring maging mas malakas ang mga bagyong ito sakaling mag-landfall sa bansa dahil sa mas mainit na karagatan.
“So, maaaring papasok siya ng Philippine Area of Responsibility, so may mga malaki din ang chance na ang landfalling cases kung mayroon man we expect na manlalakas ito kasi mainit ang karagatan,” ani Servando.
Ibinunyag ito ni Servando sa sidelines ng groundbreaking ceremony para sa bagong Doppler radar sa Abucay, Bataan.
Dagdag pa ng opisyal, na dahil sa mainit na temperatura ng dagat na nagsisilbing “fuel,” malaki ang tiyansa na mas maging malakas ang mga ito kung sakaling mabuo at pumasok sa Philippine areas of responsibility (PAR).
“Kapag mainit ang karagatan, ito ‘yung nagiging fuel para maging more stronger ang tropical cyclones. So hanggang matapos ang taon na ito, patuloy pa rin tayong magmo-monitor kung may bagyo man na dine-develop,” giit ni Servando.