Umaasa ang Malacañang na personal na makikibahagi si Chinese President Xi Jinping sa ASEAN Leaders’ Summit sa Pilipinas ngayong Nobyembre, sa kabila ng usapin sa paglahok ng China sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting sa Cebu.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, sa ganitong paraan ay mabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng partido na linawin ang mga usapin o anomang gusot sa rehiyon.
Angkop din aniyang pagkakataon ang pulong upang mapag-usapan at maresolba ang iba pang isyu.
Kaugnay nito, ang Pilipinas, patuloy ang pakikipag-ugnayan sa ASEAN members at iba pang mga bansa na inaasahang magiging bahagi ng summit.
Hindi aniya nakikita ng Palasyo na makakaapekto ang naging pahayag ng China na umano’y gumawa ng obstacle ang Pilipinas para sa partisipasyon ng Beijing sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting, sa pagdalo naman ng iba pang ASEAN leaders sa summit.
Una na ring sinabi ng Palasyo na ang Pilipinas, hindi gagamitin ang anomang kapangyarihan o posisyon upang makalamang kaninoman.
At hindi rin aniya kailanman hahadlangan ng Maynila ang partisipasyon ng anomang bansa sa summit.