Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na umabot na sa 250 ang naghain ng reklamo laban sa kontrobersyal na Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor, Cavite.
Ito ay matapos ang insidente kung saan natagpuan ang mga labi ng mahigit 20 alagang hayop na itinapon sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol Allen Rae Co, lahat ng complainant ay nagpa-cremate ng kanilang alaga sa nasabing crematorium.
Sa ngayon, ipinadala na rin sa Forensic Group ng Cavite ang mga isinukong abo para isailalim sa pagsusuri.
Posible namang maharap ang may-ari ng crematorium sa kasong estafa at civil damages.
Una nang itinanggi umano ng may-ari ang alegasyon, kaya hinamon ito ni Co na humarap na sa mga awtoridad at ibigay ang kanyang panig. “Aside from the fact na flight is an indicator of guilt ay kung wala naman siyang maling ginawa, if I remember correctly parang he or she issued a statement na hindi nila ginagawa raw ito, na totoo kini-cremate niya yung mga pets and binabalik niya yung mga ashes so give your side doon sa ating mga investigators,” ani Co.