Pinabulaanan ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang paratang ng depensa ni Vice President Sara Duterte na nagsasagawa ng fishing expedition ang prosekusyon sa pagkuha ng mga ebidensya laban sa bise presidente.
Ito’y matapos muling kuwestiyunin ng defense panel ang mga proseso sa impeachment proceedings at tutulan ang mga dokumentong isinumite ng prosekusyon bilang ebidensya sa Article II o kasong unexplained wealth.
Ayon kay Ridon, hindi niya maintindihan kung bakit tinututulan ng depensa ang mga naturang dokumento gayong ang ilan sa mga ito ay nagmula rin mismo sa panig ng bise presidente at itinuturing na common exhibits ng dalawang panig.
Giit ni Ridon, nasagot na rin sa mga naunang pagdinig sa Supreme Court at Senate impeachment court ang mga argumento ng depensa na fishing expedition ang pagkuha ng mga financial record ni Duterte.
Dagdag pa ng mambabatas, dumaan sa mga legal na proseso ang pagkuha ng mga dokumento, kabilang ang mga bank at tax records na pinahintulutan ng Senate impeachment court sa pamamagitan ng mga subpoena.